Kidapawan City, Cotabato – Pinagtibay ng Department of Environment and Natural Resources – Provincial Environment and Natural Resources Office (DENR-PENRO) Cotabato sa pamumuno ni PENR Officer Radzak B. Sinarimbo ang pakikipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato (PLGU) sa ilalim ng pamumuno ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza, upang maisulong ang pangkapaligirang kaunlaran sa pamamagitan ng isang inisyatiba sa Ikatlong Distrito ng Cotabato.
Ang proyekto ay bahagi ng Congressional initiative mula sa tanggapan ni Congresswoman Ma. Alana Samantha T. Santos bilang suporta sa Forest Development, Rehabilitation, and Protection Program ng DENR. Target nitong maitanim ang 36,108 punla ng kawayan at 38,760 punla ng rubber sa anim na piling bayan ng distrito upang labanan ang soil erosion, magsilbing carbon sink, at magbukas ng kabuhayan sa mga komunidad.
Sa isinagawang koordinasyon meeting noong Abril 8, 2025, tinalakay ng DENR-PENRO at PLGU ang mga estratehikong lugar ng pagtataniman. Patunay ito ng aktibong papel ng DENR sa pagtataguyod ng makabuluhang solusyon sa mga hamong pangkalikasan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at mambabatas para sa isang mas luntiang Cotabato.




