Lungsod ng Kidapawan, Cotabato– Nagsagawa ng dalawang araw na aktibidad ang DENR-PENRO Cotabato at Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato noong Mayo 7–8, 2025 sa Provincial Capitol sa Amas, Kidapawan City upang simulan ang pagbuo ng Provincial Watershed Management Council (PWMC) para sa Mindanao-Simuay River Watershed. Ang hakbang na ito ay alinsunod sa DENR Administrative Order No. 2021-41 na layuning magtatag ng koordinadong pamamahala sa mga watershed.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa DENR-PENRO Cotabato na pinangunahan ni PENR Officer Radzak B. Sinarimbo. Kabilang din sa mga dumalo mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato sina Provincial Legal Officer Atty. John Haye C. Deluvio, kasama si Atty. Jessica Pader; Provincial Agriculturist Engr. Elena E. Ragonton, kasama ang kanyang technical team; at Provincial Planning and Development Coordinator Jonah J. Balabanag. Tinalakay sa pagpupulong ang istruktura, mga tungkulin, at layunin ng bubuuing konseho na magsisilbing pangunahing mekanismo ng koordinasyon at paggawa ng desisyon para sa mga programang may kinalaman sa pamamahala ng watershed sa lalawigan.
Sakop ng Mindanao-Simuay River Watershed ang mahigit 213,000 ektarya, kung saan 53.68% ay nasa loob ng Cotabato Province, na kinabibilangan ng mga bayan ng Alamada, Pigcawayan, Libungan, Midsayap, Aleosan, at Pikit. Ang natitirang 46.32% naman ay sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang itatatag na PWMC ay magsisilbing pangunahing katawan para sa koordinasyon ng mga proyektong pang-watershed sa unang distrito ng probinsya.





