Kidapawan City– Bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa mga krimeng pangkalikasan, isinagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 12, sa pangunguna ni PENR Officer Radzak B. Sinarimbo ng PENRO Cotabato, ang dalawang araw na Training on Intelligence, Surveillance, and Enforcement Planning noong Mayo 14–15, 2025 sa Kidapawan City. Dinaluhan ito ng mga tauhang pang-monitoring at pang-enforcement mula sa PENRO Cotabato, CENRO Matalam, CENRO Midsayap, at mga kinatawan mula sa Protected Area Management Offices ng Mt. Apo Natural Park (MANP) at Libungan River Watershed Forest Reserve (LRWFR).

Layunin ng pagsasanay na bigyan ng sapat na kaalaman at praktikal na kasanayan ang mga kalahok sa aspeto ng surveillance, pangangalap ng impormasyon (intelligence gathering), at tamang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan. Ilan sa mga tinalakay na paksa ay ang kaugnayan ng cybercrime sa mga paglabag sa kalikasan, tamang proseso ng imbestigasyon, paggamit ng mga digital tool tulad ng Kobocollect para sa heat mapping, at ang tamang protocol sa pagsasagawa ng pag-aresto at paghahanap ng ebidensya. Nagsilbi bilang mga tagapagsalita ang mga eksperto mula sa National Bureau of Investigation (NBI) ng Region 12, Philippine National Police – Regional Anti-Cybercrime Unit 12 (RACU 12) at Monitoring and Enforcement Division ng DENR Region 12. Ipinapakita ng pagsasanay na ito ang dedikasyon ng DENR 12 sa pagpapatibay ng kakayahan ng kanilang mga enforcement team upang mas epektibong mapangalagaan ang likas na yaman ng rehiyon.