Kidapawan City, Cotabato– Isang juvenile na bayawak-dagat o “Ibid” (Philippine sailfin lizard, Hydrosaurus weberi), na kabilang sa Other Threatened Species batay sa DENR Administrative Order No. 2019-09, ang na-rescue at ipinaubaya sa DENR-PENRO Cotabato noong Mayo 30, 2025 matapos itong aksidenteng masugatan sa Barangay Kalasuyan, Kidapawan City. Ayon sa mga concerned citizens, nataga ng itak ang hayop habang sila ay naglilinis ng sakahan kaya’t agad nila itong isinuko sa DENR.

Sa paunang pagsusuri, nakita ang sugat na may habang dalawang pulgada sa kanang hita. Sa kabila nito, nanatili itong aktibo at walang iba pang pinsala. Tumitimbang ito ng 0.25 kilo at may habang 79 sentimetro. Sa ngayon, pansamantala itong inalagaan sa University of Southern Mindanao (USM) Wildlife Rescue Center para sa obserbasyon at gamutan bago ito ibalik kanyang natural na tirahan.

Ang bayawak-dagat ay endemic sa Pilipinas at karaniwang matatagpuan sa mga ilog at kagubatang malapit sa tubig. Dahil sa mga banta tulad ng illegal na pagbebenta ng mga Buhay-ilang at pagkaubos ng kanilang tirahan, ito ay protektado sa ilalim ng RA 9147 o Wildlife Act. Pinasalamatan ng DENR-PENRO Cotabato ang mga mamamayang nagdala sa hayop o Buhay-ilang at hinikayat ang publiko na agad i-report sa kanilang tanggapan ang kahalintulad na insidente.