Kidapawan City– Isang mahalagang hakbang para sa kalikasan ang isinagawa ngayong Mayo 21, 2025, sa Provincial Capitol, Amas, Kidapawan City, kung saan pinangunahan ng DENR-PENRO Cotabato ang Orientation on the Creation and Establishment of the Watershed Management Council (WMC) para sa Mindanao-Simuay River Watershed (MSRW) Cotabato Province.
Sa ilalim ng DENR Administrative Order No. 2021-41, layunin ng aktibidad na buuin ang isang matibay at pormal na konseho na mangunguna sa pangangalaga, konserbasyon, at napapanatiling paggamit ng likas-yaman ng nasabing watershed na kinikilalang isa sa apat (4) na Critical Watersheds sa buong Rehiyon XII.
Dumalo sa nasabing orientation ang mga kinatawan mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato, mga Municipal Mayor ng mga LGU na sakop ng watershed, mga ahensya ng pambansang pamahalaan, at iba pang sektor na magiging bahagi ng bubuuing konseho.
Layunin ng aktibidad na hikayatin ang kooperasyon at matibay na komitment ng bawat stakeholder upang maitaguyod ang isang organisado at epektibong sistema ng pamamahala para sa Mindanao-Simuay River Watershed (MSRW) sa lalawigan ng Cotabato—isang mahalagang yaman-tubig na nagsisilbing kabuhayan at proteksyon para sa libu-libong mamamayan sa rehiyon.





